3.jpg
Q & A: Robin takes hard questions on peace PDF Print E-mail
Wednesday, 02 December 2009

(During a peace forum at Mindanao State University – Iligan Institute of Technology on 26 November 2009)

Question: Being an actor, living in Manila, gaano kalalim ang naintindihan ninyo sa conflict dito sa Mindanao?

Robin Padilla: Napagandang tanong po. Ang kaguluhan po sa Mindanao ay kailangan natin namnamin kung ano ang ugat. Ang kaguluhan po sa Mindanao ay nag-umpisa ng panahong dumating ang mga kastila. Ito po ay panahon pa nung dumating si Magellan, sila Legazpi, at sinundan pa ng maraming mga tao at wala ho tigil yan. Walang tigil ang gulo sa Mindanao.

At ang nangyari, pag may gulo, ano ang naaapektohan? Edukasyon. Hangga’t may gulo sa isang lugar, sira ang edukasyon. At pag sira ang edukasyon, sino ang mamamantala? Pulitiko. Ang ugat ng gulo sa Mindanao – Pulitiko. Hindi ang Muslim. Hindi ang Kristiyano. Yung may gusto ng kapangyarihan. At ang ginagamit nila, Kristiyano at Muslim.

Sabi ng ACT for Peace. Ano yung ACT for Peace? Sa sarili mong paraan gumawa ka para magkaroon ng kapayapaan. Sa sarili mo, magpaliwanag ka sa mga taong hindi nakapag-aral. At yung mga nakapag-aral ang pinag-aaralan na magnakaw… pumapasok pa sa pulitika. Kailangan po tuloy-tuloy yung ating pagpapaliwanag na tanging ang edukasyon ang pag-asa ng inang bayan. Hindi na po bago yan. Sino ang nagsabi niyan? Si Jose Rizal. At si Jose Rizal, ibinigay niya ang sarili niya sa pangalan ng kapayapaan. Hindi ng rebolusyon. Kundi ng kapayapaan at ng edukasyon.
   
Question: Ano po ang nag-udyok sa inyo na tumungo dito sa Mindanao at maging peace advocate?

Robin Padilla:
Alam niyo ako po ang isang taong marami nang pinagdaanan sa buhay ko, maliban sa pag-ibig. Tandaan niyo to, marami na po akong nakita, umikot na po ako sa lahat ng parte halos ng Pilipinas. Ano ba talaga ang problema?

Tanong natin lahat  yan sa ating mga sarili, sa matagal na panahon, naitanim sa ating mga utak na hanggang ngayon, may mga political ad pang ganon, na “sila ang bahala sa atin,” hindi yung tayo ang bahala. Laging pinapangako ng mga pulitiko, sila ang bahala sa atin at itinanim sa ating lahat yung ugaling “bahala ka na, sir.” Inuuto niya pa.

Kaya ako, sa sarili kong paraan, hindi ako naniniwalang bahala ka na. Lumalakad ako ng sarili ko, para ipamulat sa mga taong katulad ninyong matatalino na nasa inyo ang pag-asa at wala sa kanila. Ipagpatuloy ninyo ang pag-aaral niyo at kayo ang magiging mga pinuno, hindi sila.

At pag nangyari yan, na nagkaroon kayo ng kumpiyansa sa sarili niyo na kayo ang pinuno, tuloy-tuloy ang kapayapaan kasi hindi na natin sila kailangan. Maniwala kayo sa akin, sila ang nagpapagulo, hindi tayo. At hangga’t may gulo, may kita sila kaya huwag tayong maging magulo para wala silang kita. Mas tahimik tayo at magkaroon tayo ng kapayapaan.

Question: Hanggang ngayon, buhay pa yong thinking na ‘Muslims versus Christians.’ How can you bridge the gap between Christians and Muslims?


Robin Padilla: 
Simple lang po ang sagot. Tingnan po natin yung dalawang magkatabi doon. Idolo ko itong dalawang ito. Isang Kristiyano, isang Muslim. Nakita niyo ba kaming tatlo doon nagtsitsismisan kanina?

Ang pinag-uusapan po namin kung ano yung tanong ninyo. Kung papano natin mapapalawak ang interfaith dialogue. Napakaimportante po nun. Katulad nung binanggit ko kanina. Sa matagal na panahon na itinanim sa ating mga utak (ang gulo) pero, nag-uumpisa na ang mapayapang rebolusyon.

Ano ba yung mapayapang rebolusyon nila? Nagkaroon ng mga dialogue ang mga Muslim, pari, Born Again, lahat ng relihiyon. Napakaimportante nun. At dapat kayong mga kabataan, makihalo doon sa sinasabing interfaith dialogue. Isa lang po ang paalaala ko sa inyong lahat. Muslim, Kristiyano o Jew, iisa lang po ang pinanggalingan nating Diyos. At si Abraham, Ibrahim sa mga Muslim, Abraham sa inyo, dun po tayo galing. Kaya magkakamag-anak po tayo. Ang katabi niyo pinsan ninyo, auntie ninyo, uncle ninyo. Hindi po dapat tayo nag-aaway-away.

Question: Ako po ay isang member ng MYCOP - MSU-IIT Youth Chain of Peace. Mayroon po ba kayong maitutulong sa aming grupo? Are you willing to partner with us?

Robin Padilla:  Ako po ay kasama ninyo kahit saan ninyo gustong puntahang lugar. Ako ay nandito, hindi ako kumakandidato. Gusto ko pong tandaan niyo hindi niyo po ako kailanman malalaman na kumandidato.

Nandito ako dahil ako ay isang Pilipino at naniniwala ako sa ating mga Pilipino na tayo, makakagawa ng paraan para umasenso, hindi ang pulitika. Yun lang po. Sama ako sa inyo kahit saan. Salamat po.